Nakakatuwa ngunit patuloy na nagbibigay kulay ang isinulat kong ito. Marahil ay nagtataka kayo kung bakit tagalog ang gamit ko ngayon. Minsan, mayroong nagmungkahi sa akin na nagngangalnag
Olga (hindi ko alam kung tunay nya itong pangalan) na sana raw ay magsulat ako sa Filipino para mas maraming makaintindi (hindi ko alam na marami-rami na rin naman palang nagbabasa ng blog kong ito noong kasipagan kong mag tala dito.) Mayroon ding pumuna sa akin sa paggamit ko ng salitang Tagalog sa isa kong tula . Matatagpuan ito
dito. Pakihanap na lang ang klomento ni Juan_Bahag. Pero, hindi po ang mga iyan ang dahilan kung bakit sa tagalog itong talang ito. Paki-tuloy na lang po ang pagbabasa nang malaman ninyo kung bakit. Salamat.
Ang kahulihulihang komento na natanggap ko sa
unang parte ng seryeng ito ay tila bumabatikos sa isa pang nagkumento (pareho silang hindi nagpakilala) na mali-mali ang
grammar ng isinulat nito. Sa suma total, sinabi nyang
nakakaawa naman daw tayo dahil daw ang isang nakatapos ng MA, sa UP pa mandin, ay mali ang istrukturang ginagamit sa pagsulat ng ingles Bukod dito, sinabi niya pang
Tama nga ang kasabihan na ang matsing, damitan mo man ng magarang damit ay matsing pa rin. Wag na lang mag-ingles kung mali naman ang grammar. Marahil ay isa siya doon sa mga taong maalab ang damdamin pagdating sa wika.
Sa aking sagot, sinabi ko sa kanyang huwag masyadong magmadali sa paghuhusga. Mayroong mga taong nagmamadaling maisulat ang kanilang gustong sabihin na hindi na nag-eedit pa dahil maaaring nagmamadali o natatakot na baka mawala ang kanilang iniisip na mensahe. May mga kaibigan akong manunulat na mali-mali ang
spelling at
grammar dahil dito. Mga amerikano pa ang karamihan. Ngunit hindi kailanman nabawasan ang respeto ko sa kanila pagkat alam kong magagaling silang mag-isip at tunay na dapat kong pag-ukulan ng panahon ang kanilang mga sinasabi. Isa pa, ako rin kadalasan ay mali din ang grammar na gamit dahil ako naman ay hindi nakatapos ng English o Language man lang kundi Fine Arts. Ang aking English ay talagang oido (sa tenga) lamang - kung tama ang tunog, tama siya sa akin. Dahil dito, minsan ay talamak ang aking SV agreement at lalo na ang tenses.
Isa pa, hindi lahat ng tao ay binigyan ng angking talino sa pagsusulat o pagsasalita ng kahit na ano pa mang wika, lalo pa ng kakanyahang matuto ng ibang lenggwahe. Samakatuwid, mayroong mga taong sadyang magaling magsalita o magsulat ng inggles, marami rin namang hindi. Baka naman hindi siya talagang sanay magsulat dahil iba ang kanyang propesyon. Hindi naman kasi lahat ng propesyon ay kailangan ng kagalingan sa pagsasalita tulad ng mga abogado, (kahima't nitong mga nakaraang taon ay may mga pag-aaral na nagsasabing bumaba na ang kalidad maging ng mga abogado sa paggamit ng ingles), manunulat o maging ng isang politiko. Sinabi ko pa sa aking sagot na ako'y mayroong mga kaibigan na mga inhenyero, pintor atbp na magagaling sa kanilang mga trabaho ngunit hindi magaling sa ingles. At hindi ito naging balakid man lang upang maparating nila ang kanilang ibig sabihin sa akin. Nagkakaintindihan kami. Sabi nga sa Desiderata,
at pakinggan mo kahit sino sapagkat kahit ang isang mangmang ay may sariling karanasan at kwento.
Karamihan sa atin, maaaring kasama na ako, sampu ng aking mga kasamahan sa paaralan, ang nag-aakalang ang kahinaan sa pagsalita at pagsulat ng inggles ng isang tao ay patotoong may kahinaan ang utak nito. Ano nga ba ang nangyari at marami sa atin ay nag-aakala nito? Sa aking palagay, ito ay dahilan sa pagkakasakop ng mga banyaga sa atin. Marami nang naisulat tungkol dito at ako ay lubusang naniniwala na ito ay totoo. Unang-una na ay ang ating pananaw sa kung ano ang maganda o ang ating
aesthetic sense. Tingnan ninyo at maraming pilipino na nagpapakulay ng buhok, nagpapaputing pilit ng kanilang balat at pinatatangos ang kanilang ilong. Ito ay sa kadahilanang tayo ay pinalaki na ang kagandahan ay mula sa pamantayan ng mga puti. Ito ay bunga ng ating isipan (lalo na ng mga matatanda sa atin na umabot sa panahong tayo'y sakop pa ng mga amerikano - "uy tingnan mo ang sanggol, napakaganda, kulay mais ang kanyang buhok, ang tangos ng ilong at pagkaputi-puti." Ito ay sa kadahilanang ang mga puti, ayaw man nating aminin, ay naging mga "amo" natin kung baga. Nakita ng mga matatanda na sila ay lubhang makapangyarihan sa loob ng ating bansa. Ang kanilang mga trabaho ay sa opisinang malamig (marahil, kung may air con na noon) at paupo-upo lamang sa isang tabi at mando ng mando na siyang nagdulot ng ating pagpupumilit na magkaroon ng "white collar job" at pagmamalit doon sa mga nagtatrabahong ang gamit ay ang kanilang mga kamay (blue collar jobs). Sa kabutihang palad, sa aking palagay ay unti-unti nang nababawasan ang ganitong mentalidad pamula nang sumapit ang pagtatapos ng siglo.
Ngunit sa lahat ng ito, ang pinakamatibay na dahilan ng ating maling batayan ng talino ay sapagkat ang ating pag-aaral ay nakasaad sa wikang ingles. Natural, dahil ang ating pinag-aaralan ay sa wikang ingles, naging dalawa ang aiting pinagsusumikapang gawin. Matutong intindihin ang wika kung saan ito ay nakasaad at pagkatapos ay ang malaman kung ano ang konseptong nakalakip sa mensahe nito. Kaya lumalabas na iyung magagaling uminggles ay tumalas ang utak at karamihan doon sa mga hindi ay nawalan naman ng ganang magsumikap o hindi na nagpatuloy sigurong mag-aral ng mabuti - (basta pumasa lang, ayos na). (Iyan ay hindi pa kasama ang kakanyahang makapagtustos ng pag-aaral ng magulang o ng mag-aaral na sustentuhan ang kanyang pag-aaral).
Tunay nga bang kung magaling umingles ay uunlad ang ating bayan? Hindi po. Sinabi ko na noon na maraming mauunlad na bansa na nag-aral gamit ang kanilang sariling wika tulad ng Japan, Germany at marami pang iba. Kung sila man ay nag-aaral ngayon ng wikang inggles, ito ay dahil sa gusto nilang mapalawak pa ang kanilang emperyo at hindi upang mapaunlad ang kanilang sarili.
Kung inyong mamarapatin, pabayaan nyo po akong makapagbahagi ng aking saloobin dito. Ako po ay naniniwala na ang lenggwahe ay isang magandang paraan upang masupil ng isang mananakop ang isa pang kultura at kamalayan ng isang nasyon. Kaakibat kasi nito ay, ganoon na nga, ang pagbabago ng
aesthetic ideal o kung ano sa tingin niya ang maganda ng nasasakop. Paulit-ulit ko nang sinabi dito na noong ako ay lumalaking teen-ager (medyo may katagalan na ano?) ang mga awiting naglipana sa ating himpapawid ay pulos ng mga banyaga. Lumaki akong nakikinig sa rock, jazz at folk songs ng mga amerikano. Ang mga mayayaman ay kinakausap ng inggles o kastila na, sinadya man o hindi ng kanilang mga magulang, ay lalo lamang nagpalawig sa kaibahan ng mahihirap sa mayayaman. (Ang Filipino ay ginagamit lamang sa mga katulong o kung hindi man, ay nagpupumilit ang mga katulong mag-inggles na nagdulot ng mga salitang "Mamaya na me" at "You make tusok-tusok the fish ball" na totoo namang napakasakit pakinggan. Salamat ng lang at nabuksan ang daan para sa mga kumpositor tulad ng Juan dela Cruz band (Himig Natin) at ni ginoong
Jim Paredes na isa ring blogger, at karamihan sa mga kabataan ngayon ay nakikinig na ng musikang sariling atin.
Kung ang kamalayan ng isang bayan ay nakatuon sa isang wikang hindi kanya, natututunan niyang yakapin ang lahat ng gawi ng mga taong gumagamit ng wikang ito. Ito ay sa kadahilanang ang wika ay kultura. Lahat ng "nuances" at "idiosyncrasies" ng mga puti ay ating namana na rin. Hindi ba't parang nakakainsulto na ang maganda sa atin ay yaong mga kabaligtaran natin? Marami ang nagsasabing huli na raw para baguhin ang ating "medium of instruction" dahil mahihirapan nang i salin ang mga terminong teknikal? Gaano ba kahirap o kaselan ito? Hindi ba't nang bago naman tayo matuto ay pinagaralan din natin ang mga kahulugan ng mga terminong ito, maging ito ay sa inggles, pranses o aleman? Samakatwid, parating may umpisa, hindi ba? Dapat bang lahat ng termino ay isalin pa natin o pabayaan na lang nating gamitin ang mga orihinal na katawagan sa mga ito?
Para lalong gumulo ang usapan, dapat nga bang baguin ang "medium of instruction" dahil sa mga nabanggit ko? Ah, para diyan sa bagay na yan, basahin na lang ninyo
ito at ito ay natalakay ko na rin naman. At kung sinisipag pa rin kayong magbasa, pakituunan ng pansin ang palitan namin ng kuru-kuro ng isang nagngangalang Arturo Arbera sa bandang huli. PAra kayo'y ganahan ng kaunti, ang huli niyang banat ay ganito: "magaling daw mag-Ingles ang mag PIlipino. mayaman ba tayo. ikaw na mahilig mag-Ingles mayaman ka ba? mag-isip ka nga."