Tuesday, September 02, 2008

Buwan ng Wika

Lubos na naiiba ang nakaraang Biyernes sa aming paaralan. Sa unang pagkakataon, naisipan ng administrasyon na ipagdiwang ang buwan ng wika sa naiibang paraan. Nuong mga taong nakalipas, naalala ko pa na talagang nagmimistulang piyesta ang huling araw ng pagdiriwang at ang bawat silid aralan na napalalamutian ng mga banderitas, ay napupuno ng kung anu-anong pagkaing pilipino. Mayruon pang nagdadala ng isang buong lechon, umaapaw na pansit, manok, kaldereta, at kung anu-ano pa. Subalit tulad ng pagdiriwang namin ng pasko, sumusobra ang handang pagkain sa bawat silid at ito ay kadalasang nasisira lamang o itinatapon matapos maipamigay ang sobra. Alangang namang pilit naming kainin at ubusin ang natira hanggang sa kami ay maimpatso, hindi ba? Kaya naman unti-unti namin itong pinalitan ng kung ano pa ang makapagbibigay tingkad sa pagseselebra ng wikang pambansa. Kaya nga, nuong Biyernes, naisipan nilang gawin itong isang mala-costume party kung saan ang bawat isa ay kinailangang pumasok ng paaralan sa kasuotang tunay na pilipino. Isama na rito ang iba't-ibang palabas at pagtutunggali katulad ng G. Lakan at Bb. Lakambini, sabayang pagbigkas at ang eksebisyon ng iba't-ibang pagdiriwang na ginaganap sa bansa tulad ng Ati-atihan, Sinulog, Dinagyang, Pintados atbp, kung saan naglaban laban ang mga piling grupo ng ikatlo at ikapat na lebel ng hayskul. Ang grupo ng aking bunso na nagpakita ng Kadayawan ang nagwagi ng unang gantimpala.

Ang sarap ding pagmasdan ng bawat isa sa kani-kanyang suot. Mayruong dumating na nakadamit muslim at napakamakulay ng kanilang kasuotan. May mga dumating na nakasuot panabong, ngunit walang dalang manok, (marahil ay kinain na), may dumating na naka katipunero (tulad ni Mr. Elloso na kumpletos rekados pati na ang suksukan ng baril at sumbalilo), may dumating na Ifugao, sabay na pakita ng "Php10.00 bawat litrato", may ilang Don Santiago delos Santos, Kabesang Tales at kung sinu-sino pa. Mistulang kamangha-mangha ay ang aming bagong Presidente na dumating na naka gwardiya-sibil na ayon sa aking mga kaibigan ay tunay na kasuotan nuong unang panahon. Ang ganda ng kanyang helmet na suut-suot. DAhil ako ay hindi masyadong mapangahas sa mga ganitong bagay, minabuti ko na lang na mag-barong. Ang biro ko nuon sa kanila ay mag-aamerikana ako. Hindi ba't sila Jose Rizal naman ay nakaganitong kasuotan? Nang sinabi nilang hindi daw pwede, sabi ko naman ay huwag silang mag-alala't ako nama'y naka-bahag sa ilalim, tulad ng mga kapatid natin sa Benguet at Baguio. Ano nga kaya't ginawa ko ito. Ang ganda ng pagtanggap dun sa isang pinuno na dumating ng naka-bahag nuon sa huling SONA ni GMA, hindi ba?

Tunay na napakaganda ng ating kultura. Sayang nga lamang at tayo ay lubusan nang naimpluwensiyahan ng mga banyaga, lalo pa't ginawa nila tayong mamimili imbis na maging taga-gawa. Tsinelas na lang, kailangan pang iangkat natin mula sa Brazil upang tayo ay magmukhang kagalang-galang sa ibang tao. Ilan sa ating mga kababayan ang gumagasta ng malaki upang sila ay pumuti at tumangos ang ilong? Bakit kailangang magkulay mais ang buhok ng ilan sa atin na kung tingnan ko naman ay hindi naman bagay sa ating kayumangging kulay? Para sa akin kasi, nakakahihiya ang magpumilit maging isang hindi naman tunay na ikaw.

9 comments:

lei said...

buwan ng wika na nga pala ngayon.. dati kase linggo lang. mabuti naman at mahaba haba na ang pagdidiriwang nito. :)

Anonymous said...

Nalaman ko lang na Buwan Ng Wika nang sambitin nang aking maybahay na dapat gawan daw nang kasuotan na ala "Imelda" ang aking kaisa-isang anak at sila'y merong parada sa kanilang paaralan noong nakaraang lingo.

Ako naman ay sumalisi sa aking pinagtatrabahohan para ma silayan ang aking anak sa okasyong iyon.

rolly said...

lei Oo. Nadagdagan na. Palagay ko naman ay tama lang ito.

blogusvox Buti naman at nakasilay ka sa anak mo. Hindi lahat ng tatay ay nabigyan ng ganyang pagkakataon. Yung iba, talagang ayaw payagang lumiban sa kanilang trabaho. Ibang-iba pa naman ng feeling kapag pinanonood mo na anak mo.

Panaderos said...

Ako'y sang-ayon na iginawang Buwan ng Wika ang dating Linggo ng Wika. Maganda rin kung isasama sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ang pagtalakay at pag-suri sa mga literatura (luma o bago) na inilathala sa ating sariling wika. Ito ay lubos na makakatulong sa pag-unawa ng ating mga kabataan sa ating kultura at sa mga nangyayari sa ating lipunan.

rolly said...

panaderos Magandang ideya yan. Sabagay, parang ganun na nga rin at me mga paligsahan kaming tumatalakay sa literatura, bukod pa sa pinag-aaralan nila sa Filipino.

Anonymous said...

Hello Tito Orly, I featured your blog in my depedteacher blog. You can see it at http://depedteacher.blogspot.com. I happy that i found your blog for it is very seldom to find Pinoy teacher blogger. Thanks for a man like you.

Anyway can i request for a link from your blog site to our depedteacher blog.

rolly said...

depEd Thank you for visiting, the comments and the kind words in your blog. That was very encouraging.

batjay said...

sana nagsuot ka ng saya tapos sinabi mong ikaw si maria clara.

o kaya nagdala ka sana ng kanyon tapos sinabi mong ikaw si panday pira.

rolly said...

batjay Sige, sa susunod ikaw ang consultant ko. Tila magandang idea yung Maria Clara, hehe